Tagalog news: Magtungo sa health center kapag nakagat ng alagang hayop – PHO-Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Marso 22 (PIA) — Hinikayat ng Provincial Health Office (PHO) at Provincial Veterinary Office (ProVet) ang mga mamamayan na tumungo agad sa pinaka-malapit na health center o bite treatment center sakaling makagat ng alagang hayop upang agad na mabakunahan laban sa rabies.

Bukod sa patuloy na panawagan ng nasabing mga opisina, tuloy-tuloy din ang isinasagawang kampanya ng PHO at ProVet sa mga munisipyo sa lalawigan kaugnay sa tema ng Rabies Awareness Month ngayong taon na “Rabies Iwasan, Alaga’y Pabakunahan” kasabay ng ginagawang pagbabakuna sa mga alagang hayop sa mga komunidad.

Sa pamamagitan ng Provincial Rabies Program, sinisikap ng PHO at ProVet na maparatingan ng tamang impormasyon ang publiko tungkol sa nakamamatay na rabis.

Sa isinagawang “Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)”, tinuran ni Eileen Grace Macabihag, tagapamahala ng provincial rabies program ng PHO na taong 2010 naitala ang pinaka mataas na kaso ng human death sa Palawan matapos makagat ng aso na may rabies.

Aniya, karamihan sa mga ito ay hindi nagpatingin o dumiretso sa pinakamalapit na pagamutan kundi naniwala sa ilang pamamaraan na hindi naaayon sa tamang pagkontra o pagpigil sa pagkalat ng rabis sa katawan ng tao.

“Nakikitang bunga ito ng ilang paniniwala tulad ng pagtungo sa “tandok” o pinasipsip sa pinaniniwalaang manggagamot ang dugo sa bahagi ng katawan na nakagat ng aso na pinaniniwalaang nakaaalis ng virus”, ani Macabihag.

Naitala ang mga insidente sa bayan ng Narra kung saan tatlo ang namatay, sa Sofroño Española, tatlo sa Quezon at isa sa bayan ng Rizal. Ito ang nagbunsod sa mga kinauukulan na mgsagawa ng malawakang kampanya laban sa rabies.

Samantala, simula 2011 hanggang taong 2016 walang naitalang human death pero nakapagtala naman ng 4, 861 kagat ng hayop.

Mayroon na ring 18 pasilidad kung saan ginagamot ang mga nakagat ng hayop na posibleng may rabies sa buong lalawigan na plano pang dagdagan ng Department of Health (DOH).

Ang rabies ay nakamamatay na virus na naipapasa sa iba sa pamamagitan ng laway ng hayop na kinapitan na nito. Nakukuha ito buhat sa kagat ng mga alaga man o pagala-galang hayop. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s