Tagalog news: Presidente ng Korean NGO, bumisita sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb. 27 (PIA) — Binisita ng Pangulo ng Korea Foundation for International Healthcare (KOFIH) na si Dr. John A. Linton ang lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa kamakailan.

Layon ng naturang pagbisita na alamin ang implementasyon ng Detect Tuberculosis Program o TB program dito.

Ayon kay Dr. Rebethia Acala, infectious disease unit head ng Provincial Health Office (PHO), malaki ang tulong na ibinibigay ng KOFIH sa lalawigan upang maipatupad nang maayos ang Detect TB program.

Aniya, maraming pasyente ng TB ang nabebenepisyuhan sa mga munisipyo sa pamamagitan ng ibinigay nitong Detect TB Bus at iba pang apparatus na ginagamit ng PHO sa pagpapatupad ng programa. Bukod pa rito ang pondong ibinibigay ng KOFIH sa Palawan para sa implementasyon ng programa. Matatandaan na tanging ang lalawigan lamang ng Palawan sa buong rehiyon ng MIMAROPA ang nabenepisyuhan ng programang ito mula sa KOFIH.

Ikinatuwa naman ni Dr. Linton ang magandang resulta ng implementasyon ng programa sa buong lalawigan maging ang serbisyong ibinibigay ng mga healthcare providers upang lalong mapalawak ang saklaw nito. Ayon sa kanya, pangunahing misyon ng kanilang organisasyon na magamot at maibaba ang porsyento ng mga nagkakasakit na TB sa buong mundo.

Dagdag pa ni Dr. Acala, bagaman hanggang ngayong buwan ng Setyembre na lamang ang pondong ipagkakaloob ng KOFIH sa Palawan base na rin sa nakapaloob sa kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng naturang organisasyon at Department of Health (DOH) Region IV MIMAROPA, inaasahan na magpapatuloy ang programa na Detect TB sa mga munisipyo.

Base sa talaan ng PHO, ang mga nasuri sa pamamagitan ng Detect TB Bus ay umabot na sa 8,401. Mula sa bilang na ito ay umabot naman sa 1,916 ang pinaghihinalaang mayroong sakit na TB at 373 ang naitalang kaso ng TB sa Palawan para sa taong 2016.

Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy ng PHO ang implementasyon ng Detect TB program sa buong lalawigan. Ani Dr. Acala, malayo pa ang tatahakin ng lalawigan bago ito maituring na TB-free province ngunit naniniwala siya na makakamit ito ng Palawan sa takdang panahon.

Ang KOFIH ay isang non-government organization na tumutulong sa pagtataguyod ng mga pandaigdigang kooperasyon sa pamamagitan ng paghahatid ng mga programa at proyektong panlipunan partikular ang serbisyong pangkalusugan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. (PIO/OCJ-PIA MIMAROPA Palawan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s