Tagalog News: Public Private Partnership, nais palakasin ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon

ODIONGAN, Romblon, Peb. 24 (PIA) — Isang panukala ang inihain ni Provincial Board member Felix Ylagan sa Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Romblon na layuning palakasin o pag-ibayuhin ang relasyon ng publiko at pribado sa pagsasaayos ng kalakalan ng lalawigan.

Sinabi ni Ylagan na kung ang pamahalaang nasyunal ay may public private partnership (PPP) na nagsimula pa ng nakaraang administrasyon at patuloy itong isinusulong ng Duterte Administration kaya marapat lamang na magkaroon ito ng lokal na version.

Batay aniya sa kanyang regular na pagiikot sa mga munsipyong sakop ng lalawigan, nakita niya ang mga proyekto at programa na dapat unahin na makatutulong sa publiko.

“Ang pagsasaayos ng mga pier at maliliit na daungan sa Romblon at Sibuyan island ay ilan lamang sa mga dapat tutukan,” sabi ni Ylagan.

“Sa isang consultation meeting na aking dinaluhan ay marami ang nagmungkahi na magtayo ng jetty port sa Bgy. Sablayan sa bayan ng Romblon at Bgy. Agtiwa sa bayan ng San Fernando o Bgy. Agutay sa bayan ng Magdiwang para mas mabilis ang paglalayag mula sa kabisera ng Romblon patungo sa isla ng Sibuyan at vice versa,” dagdag na paliwanag ni Ylagan.

Aniya, ilan lamang sa mga pangunahing programa sa ilalim ng local PPP na kanyang isinusulong sa SP ang ay pagpapaunlad ng Marine Breeding Center sa Canduyong at Farmers’ Training Center na parehong matatagpuan sa bayan ng Odiongan.

Nakapaloob din sa kanyang panukalang inihain na dapat maglaan ng pondo para sa pagsasaayos ng paliparan sa Azagra sa bayan ng San Fernando at magkaroon ng karagdagang puhunan ang mga lokal o banyagang negosyante upang ibuhos sa pagtuklas ng mga makabagong teknolohiya upang mapasiglang muli ang industriya ng marmol sa bayan ng Romblon.

“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte, ang PPP ay magkakaroon ng bagong anyo at ito ay ang pagbibigay ng halaga sa kapakanan at interes ng mahihirap sa mga programa at proyekto ng PPP,” ayon pa kay Ylagan.

Napapanahon aniya ang kanyang paghahain ng nasabing panukala at kanyang hinihiling ang suporta ng kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan upang agad itong maipasa para makapagdagdag hanapbuhay sa mga kababayan.

“Ang susi sa pag-unlad ng lalawigan ay ang pagkakaisa ng publiko at pribadong sektor maging ang mga peoples’ organization at NGO na may hangaring wakasan ang kawalan ng hanapbuhay,” huling pahayag ni Ylagan.

Ang pinakabatang bokal ng Romblon ay umani ng papuri sa mga kababayan at katrabaho nito dahil sa kanyang mga magagandang ordinansa na inihain sa panahon ng kanyang termino na karamihan ay naglalayong matuldukan ang paghihirap ng mga taga-Romblon.

Nakatakdang magtapos ang kanyang termino bilang Provincial Board Member ng 2nd District sa taong 2020.(FY/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s