PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb 2 (PIA) — Nasa proseso na ngayon ang mga kinakailangang dokumento upang mai-deklara bilang barangay na ligtas o walang bahid ng iligal na droga ang 11 barangay sa lungsod.
Kabilang sa mga baranggay na ito ay ang mga sumusunod: Bagong Bayan, Simpocan, Sta. Cruz, Montible, Sta. Lucia, Buenavista, Marufinas, New Panggangan, Binduyan, Maryugon at Manggahan sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa isinagawang Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA), tinuran ni P/Supt. Robin Sarmiento, pinuno ng Pambansang Pulisya sa siyudad, natukoy ang mga nabanggit na walang naitatalang kaso ng ipinagbabawal na gamot.
Nakapag-sumite na aniya ng resolusyon sa kanilang opisina ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at ang kanilang nakakasakop na himpilan na kinakailangan sa opisyal na deklarasyon.
Samantala, maliban sa Langogan na nauna nang naideklara, mula sa 66 na barangay ng lungsod, 13 dito sana ang mga nakahanay para sa deklarasyon bilang drug-free. Isa dito ang Lucbuan, subalit may isang residente na boluntaryong isinuko ang kaniyang sarili sa mga otoridad.
Kabilang din sana ang Magkakaibigan sa Poblacion ng lungsod, ngunit nahuli kamakailan ng PNP ang mismong kagawad ng barangay at asawa nito na napag-alamang sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.
Ayon kay Supt. Sarmiento, possible pang matuloy ang deklarasyon sa dalawang barangay sapagkat sumuko at nadakip na ng mga otoridad ang mga nasasangkot na indibidwal subalit babagsak na lamang ito bilang drug-cleared o lugar na ganap nang nalinis. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)