Tagalog news: Regular na blood donors sa lalawigan, kinilala ng OrMin Blood Council

CALAPAN, Oriental Mindoro, Enero 27 (PIA) – Sa ikapitong taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Oriental Mindoro Blood Council (OMBC), kinilala ang mga indibidwal at mga institusyong regular na naging katuwang nito at boluntaryong nagkaloob ng dugo sa Blood Donor’s Recognition and Thanksgiving Day na isinagawa kamakailan sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) Hall.

Matatandaan na ang OMBC ay naitatag sa pamamagitan ni dating 1st District Board Member at kasalukuyang Executive Assistant IV Dr. Romeo G. Infantado. Itinuturing itong isa sa pinakaaktibong blood councils sa rehiyong Mimaropa.

Sa naturang pagkilala, 12 mga bayan at isang lungsod ang nahirang sa Kabalikat Awards. Kabilang din dito ang 10 ahensiya ng gobyerno, pitong barangay, 10 civic organizations, pitong paaralan, at anim na religious organizations.

Tumanggap naman ng Masigasig Award ang anim na munisipalidad, dalawang civic organizations, at ang tatlong campuses ng Mindor State College of Agriculture and Technology (MinSCAT).

Ang bayan ng Naujan ay tumanggap ng Masagana Award, kabilang ang Philippine Ports Authority, Brgy. Melgar ng Naujan, Calapan Labor Services Development Cooperative (CALSEDECO), MinSCAT Calapan City Campus at Church of God International sa bayan ng Pinamalayan.

Samantala, sina Pola Mayor Leandro Panganiban, dating Puerto Galera Mayor Hubbert Christopher Dolor, at Victoria Mayor Joselito Malabanan ay tumanggap ng KAGITINGAN award. Kabilang din dito ang siyam na opisyal mula sa iba’t ibang bayan at 29 na punongbarangay mula rin sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Kabutihan Award naman o Galloneer ang tinanggap ng 25 indibidwal na nagkaloob ng dugo nang mahigit siyam na beses.

Kaugnay nito, pasasalamat naman ang ipinaabot nina OMPH Medical Technologist Head Dr. Jonathan Leviste at OMBC Executive Assistant to the Blood Program at OMPH Chief of Hospital II Dr. Marpheo Marasigan sa suporta ng kasalukuyang Honorary Chairman Gob. Alfonso V. Umali Jr. Hinikayat rin ni Marasigan ang mga mamamayan na patuloy na sumuporta sa boluntaryong pagkakaloob ng dugo dahil may mabuting epekto rin ito aniya sa kalusugan.

Samantala sa datos na iprinesenta ng OMBC, bagaman marami ang nagdo-donate ng dugo sa lalawigan, hindi maikakailang malaki pa rin ang pangangailangan sa dugo kung kaya’t nananawagan ang mga opisyal ng OMBC sa mga mamamayan na sana’y patuloy pang suportahan ang malawakang pagkakaloob ng dugo upang sa pamamagitan nito ay madugtungan pa ang buhay ng mga taong nangangailangan. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s