CALAPAN, Oriental Mindoro, Dis. 2 (PIA) – Tinanggap kamakailan ng 51 land owners ng Barangay Tibag Pamayanan Association, Inc. ang kanilang mga titulo matapos ang may 25 taong paghuhulog ng mga ito sa ilalim ng Community Mortgage Program (CMP) na ipinatutupad ng pamahalaang lungsod.
Pinangunahan ang nasabing gawain nina Calapan Mayor Arnan C. Panaligan, SHFC Southern Luzon OIC Engr. John O. Lee kasama sina City Councilors Felix Flores at Housing Committee Chairman Atty. Lorybelle Tanyag, City Housing and Urban Settlements Officer Engr. Redentor Reyes Jr., Balite Barangay Capt. Cirilo Corona at iba pa.
Ayon kay Lee, taong 1997 ng magsimula ang ugnayan ng kanilang ahensya at ng noo’y munisipalidad pa ng Calapan sa ilalim ng administrasyong Panaligan. Aktibo aniya sa programang pabahay si Panaligan simula pa noon kung kaya’t patuloy ang kanilang magandang samahan sa paglobo pa ng bilang ng mga benepisyaryo ng CMP na ngayo’y nasa anim na Home Owners Association na.
Pasasalamat ang ipinaabot ng isa sa mga residente na si Jose Jordan Santiana kay Panaligan dahil sa napakalaking tulong aniya na ipinagkaloob sa kanila na magkaroon ng sariling lote para sa kanilang pamilya at bilang silang kauna-unahang nabenepisyuhan ng naturang programa.
“Aksyon hindi pangako”, ito naman ang sambit ni Mayor Arnan para sa mga nabenipisyuhan ng nasabing programa na aniya’y layunin ng kanyang liderato na mapagkalooban ng disenteng tahanan ang pamilyang Calapeño sa tulong ng ngayo’y nagkakaisang ehekutibo at lehislaturang sangay ng pamahalaang lungsod. (CIO/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)