Tagalog news: Higit 1000 katao, tumugon sa bayanihan para sa tulay ng Buhid

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Okt 24 (PIA) – Sa kabila ng banta ng malakas na pagulan mula sa bagyong Karen, humigit sa 1,000 mga volunteers ang tumugon sa panawagang bayanihan para sa Tulay ng Buhid kamakailan.

Layunin ng bayanihan na madala ang mga materyales mula Sityo Bato-ili patungong Sityo Ibanig, ang lugar kung saan itatayo ang tulay. Ang dalawang sityo na sakop ng barangay Monteclaro, San Jose ay may anim na kilometro ang layo sa isa’t isa.

Batay sa plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Kapit Bisig Laban sa Kahirapan (KALAHI) – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (CIDSS) at pamahalaang lokal ng San Jose, ang mga volunteers ay gagawa ng human chain at ipapasa ang mga materyales hanggang makarating ito sa project site.

Hindi naging madali ang pagdadala ng mga materyales. Kinailangang tumawid sa ilog at palayan, gayundin sa masusukal na daan, isama pa ang mga lugar na putikan na may dalang panganib sa mga taong hindi sanay sa ganitong uri ng daan. Ang lahat ng ito ay hindi binigyang pansin ng mga volunteers para sa kapakanan ng may humigit-kumulang na 3,000 katutubong Buhid na makikinabang sa tulay.

“Matagal na ang proyektong ito. Sa 32 project namin, ito ang hindi masimulan dahil hindi nga madala ang mga materyales”, paliwanag ni Rosalie Frane, Area Coordinator ng DSWD- KALAHI-CIDSS.

Ayon pa kay Frane, matapos madala ang mga gamit sa paanan ng bundok (bundok ng Foklea ayon sa mga taga-Buhid) ay hihintayin na lamang ng mga katutubo na gumanda ang panahon upang ituloy ang paghahakot ng mga materyales patungo sa kanilang lugar.

Lubos ang pasasalamat ng DSWD-KALAHI-CIDSS sa lahat ng mga nagboluntaryong tumulong gaya ng mga katutubo mula sa kalapit na barangay, Philippine National Police, Philippine Army, DSWD-KALAHI-CIDDS ng dalawang lalawigan, mga kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino, LGU San Jose, Barangay Local Government Units (BLGU), Youth for E at ibang samahan ng mga kabataan, gayundin sa iba pang grupo o indibidwal na sumama sa naturang bayanihan.

“Sakaling magtuloy-tuloy ang magandang panahon, pasisimulan na agad ang proyekto at sisikaping matapos sa loob ng dalawang buwan kung walang aberya”, paliwanag ni Frane.

Ang naturang tulay ng Buhid ay nagkakahalaga ng isang milyong piso. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s