Tagalog news: “Panindang karne sa pamilihan ng Puerto Princesa, dapat ligtas” — City Council

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 29 (PIA) — Ipinatawag sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ang pamunuan ng City Health Office (CHO) at City Veterinary Office (CVO), maging ang tagapamahala ng Areza-Cruz Realty Development Corporation na siyang nagpa-patakbo ng slaughterhouse upang malaman kung ligtas para sa kunsumo ng publiko ang mga karneng ibinibenta sa mga palengke, lalo na sa mga naglipanang talipapa (tiangge) sa bawat sulok ng lungsod.

“Kinakailangan makatiyak ang Pamahalaang Panlungsod na ligtas ang publiko sa pagbili ng karneng itinitinda sa mga pamilihan maging sa mga talipapa”, tinuran ni Konsehal Nesario Awat, member ng Committee on Public Market, na siyang nagbukas ng usapin sa plenaryo.

Tinanong ni ni Awat kung dumadaan sa tamang proseso ang mga hayop na kinakatay bago ito ibenta, at ipinaliwanag ni Dr. Indira Santiago, City veterinarian na nasusuri ng kanilang mga inspector ang hayop bago ito katayin sa slaughterhouse.

Malalaman din aniya kung dumaan sa kanilang pagsusuri ang karne sa pamamagitan ng palatandaan sapagkat tinatatakan nila ito sa iba’t ibang parte ng katawan ng hayop.

Dagdag pa ni Santiago, binibigyan din nila ng Meat Handler Certificate ang sino mang magtitinda ng karne kahit ang mga nasa komunidad, sakaling makumpleto ng mga ito ang mga kinakailangang panuntunan sa pagtitinda.

Bagamat may isinasagawang inspeksyon ang CVO sa mga pamilihan partikular na ang mga nagtitinda ng karne, aminado si Santiago na hindi nababantayan ng husto ng nakatalagang tauhan ang lahat ng mga tindahan sa bawat baragay ng lungsod. Bukod kasi sa napakarami nang pwesto nito sa Poblacion area ng siyudad, apat lang rin ang kanilang inspektor na siyang naglilibot para magsagawa ng inspeksyon.

Bunsod nito, hihiling ang konseho sa punong lungsod na mapag-laanan ng karagdagang pondo ang opisina upang madagdagan ng empleyado ng nasabing tanggapan.

Kaugnay nito, ipatatawag ng CHO sa pamamagitan ng pangkalahatang pagpupulong ang lahat ng mga nagtitinda sa talipapa upang matalakay ang mga patakaran ng Pamahalaang Lungsod batay sa mga umiiral na regulasyon.

Sa ngayon kasi, ani City Sanitary Officer Fernando Reynoso, walang pinanghahawakang sanitary permit ang mga may puwesto sa talipapa sa kabila ng patuloy na operasyon ng mga ito na maaaring maging dahilan upang mabigyan sila ng Sanitary Order na siya namang ipapasa ng opisina sa City Legal para sa pagpapababa ng kaukulang desisyon sa mga paglabag na nagawa ng mga nagtitinda. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s