Lathalain: Sagip Buhay – munting paaralan sa loob ng OrMin Prov’l jail

Maituturing na isang munting paaralan ang programang Sagip Buhay na binuo ni Oriental Mindoro Provincial Jail (OMPJ) OIC Warden Ret. Major Romeo U. Delmo para sa mga inmate nito.

Ang Sagip Buhay ay umaalalay sa mga detainee ng OMPJ na hindi nagkaroon ng pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral. Matatandaang ang Pamahalaang Panlalawigan ay nakipagtuwang sa Department of Education (DepEd) upang asistehan ang edukasyon ng inmates sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) program. Ang ALS ay isang kurikulum ng DepEd na nagbibigay-pagkakataong mapatapos ang mga indibidwal na hindi nagkaroon ng pagkakataong makapasok sa regular na paaralan.

Mula sa kasalukuyang higit sa 700 inmates ng OMPJ, marami pa sa kanila ang hindi nagkaroon ng pagkakataong makatapos ng pag-aaral. Ang mas nakalulungkot pa rito, ang ilan ay hindi pa nakatuntong ng kahit unang baytang sa elementarya. Sa inilunsad na Sagip Buhay, nagsisilbing guro ang isa ring inmate na si Rowena Lacson.

Naikuwento ni Lacson ang mga naging karanasan niya at mga naging hamon bilang guro ng inmates. Mula sa mga personal na suliranin, ibinahagi rin niya ang kanyang nararamdaman lalo pa’t nagiging instrumento siya ngayon sa pagkatuto ng kanyang mga kasamahan sa OMPJ. Nagpasalamat din siya sa maayos na pakikitungo sa kanila at pagiging disiplinado ng mga tagamahala ng OMPJ.

Aniya pa, bagaman napapasok sila sa loob at maaaring iba na ang tingin sa kanila ng lipunan, ramdam nila ang pagpapahalaga at pagkalinga sa kanila ng kasalukuyang pamunuan ng piitan. Ayon naman kay Warden Delmo, pinasimulan niya ang naturang programa sa pamamagitan ng P200 na ipinambili niya ng lapis at papel. Hindi niya akalain na malaki ang magiging epekto ng kanyang naisip na programa para sa inmates.

Base sa resulta ng kanyang pag-aaral na may grupo ng inmates na no read-no write, kaagad niyang pinasimulan ang Sagip Buhay program na sa una ay eksperimento lamang. Hindi niya akalaing magsisilbi itong unang hakbang ng pagkatuto ng mga inmate.

Matatandaang si Warden Delmo ay tatlong taon pa lamang na nanunungkulan bilang pinunong tagapamahala ng OMPJ sa ilalim ng administrasyon ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. Sinabi niyang hindi naman nagkukulang at tuluy-tuloy ang mga programa ng gobernador para sa mga detainee tulad na lamang ng pagkakaloob ng iba’t ibang livelihood programs at iba pa.

Bilang pagtalima naman niya sa direktiba ni Gob. Umali na pagbutihin pa ang sistema sa pamamahala sa piitan, hinigpitan ng kanyang pamunuan ang mga regulasyon sa OMPJ. Kabilang dito ang screening ng mga pumapasok at lumalabas na kapamilya at kakilala ng mga detainee upang maiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari. Sa loob ng OMPJ, makikita ang grupo ng inmates habang tinuturuan ni Lacson. Sa ngayon, dahil nakita ng inmates na malaking tulong sa kanila ang naturang proyekto, may 25 detainees ang kabilang sa programa.

Samantala, may iba pang mga grupo na nagpahayag ng kanilang naising matuto sa ilalim ng Sagip Buhay program. Sina Mang Julio Austria, 64 na taong gulang at Mang Rogelio Hilario na kapwa senior citizen at ngayo’y benepisyaryo ng Sagip Buhay program, nagpasalamat kay Warden Delmo sa malaking oportunidad na naibigay sa kanila na matuto pa sa kabila ng kanilang edad.

Si Mang Amado Garcia, 56 na taong gulang at Julius Delos Reyes, ipinagmalaki naman ang kanilang natutunan, kung paano unti-unting magsulat at bumasa. Natutuwa naman si Warden Delmo sa naging resulta ng kanyang inisyatiba at ngayo’y nagsisilbi ng unang hakbang para makamit ng mga inmate ang minsa’y ipinagkait nila sa kanilang sarili na pagkatuto sa pagbasa at pagsulat. Ito ang magsisilbi nilang sandata mula sa kamangmangan patungo sa pagkatuto at magandang kinabukasan. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s