ODIONGAN, Romblon, Setyembre 15 ( PIA) — Sisimulan sa pamamagitan ng fun walk ang paglulunsad ng kampanya laban sa paninigarilyo sa bayan ng Odiongan sa ika-20 ng Setyembre.
Bago ang isasagawang fun walk, isang maikling programa muna ang gaganapin sa Odiongan public plaza at kasunod na nga nito ang fun walk paikot sa kabayanan.
Ang aktibidad na ito ay kick-off ceremony ng pamahalaang bayan ng Odiongan kaugnay sa mahigpit nilang pagpapatupad ng pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, tanggapan ng pamahalaan at mga pampublikong sasakyan.
Nakipagpulong ang alkalde ng Odiongan noong nakaraang linggo sa mga kinatawan ng national government agencies, pamahalaang panlalawigan, opisyal ng baranggay, grupo mula sa iba’t-ibang sektor at mga nagmamay-ari ng iba’t ibang establisyemento (hotel, restaurants & resorts).
Ang pagpapaigting sa kampanya laban sa paninigarilyo ay alinsunod sa Municipal Ordinance 2014-16 at mayroon lamang itatalagang lugar kung saan pwedeng manigarilyo.
Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, nais nilang mapangalagaan ang kalusugan ng mas nakararami at mahalagang mailayo ang mga di naninigarilyo ng usok mula sa sigarilyo.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)