PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 29 (PIA) — Idineklarang rabies-free area ng Department of Health (DOH) ang dalawa pang munisipyo sa Palawan. Ito ang ibinalita ni Eileen Macabihag, Nurse I, ng Provincial Health Office (PHO) at tumatayong Program Coordinator ng National Rabies Prevention and Control Program (NRPCP) sa lalawigan.
Ayon kay Macabihag ang pagkaka-deklara ng mga bayan ng Agutaya at Balabac bilang rabies-free area ay inanunsiyo kasabay ng ginanap na Bayani ng Kalusugan Award sa kamaynilaan kamakailan.
Matapos maideklara ang Agutaya at Balabac na rabies-free area ay tanging ang mainland Palawan na lamang ang natitirang lugar sa Palawan na hindi ligtas sa rabies, dagdag pa ni Macabihag.
Ani Macabihag, tatlong magkakasunod na taon ang kinakailangan na walang kaso ng rabies sa lugar bago maideklara bilang rabies-free area at kalakip ang kaukulang dokumento na kinakailangang isumite bago ang itinakdang oras ayon sa validation of rabies-free area ng DOH.
Ang rabies ay isang viral disease na nakukuha sa pamamagitan ng kagat ng isang mapusok na hayop. Unang maapektuhan ang central nervous system ng isang tao sakaling makagat ito.
Ang unang bahagi ng mga sintomas ng rabies ay kinabibilangan ng lagnat, sakit sa ulo at pangkalahatang kahinaan ng katawan at kung hindi ito maaagapan sa lalong madaling panahon ay mauuwi ito sa sakit sa utak at kamatayan.
Lahat ng 11 islang munisipyo sa Palawan ay naideklara ng rabies-free area. (OCJ/LBR/PIA4B-Palawan)