Tagalog news: Kalagayan ng peace and order sa OccMin, tinalakay sa isang pagpupulong

MAMBURAO, Occidental Mindoro, Hunyo 27 (PIA) – Isinagawa kamakailan ang ikalawang pulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) sa Provincial Convention Center, bayan ng Mamburao.

Kabilang sa mga tinalakay ay ang paguulat ng Philippine Coast Guard (PCG), Department of Health (DOH) at ang kalagayan ng Peace and Order sa lalawigan batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army (PA).

Matapos opisyal na buksan ang pulong ni PPOC Chairman at Governor Mario Gene Mendiola, unang nagbigay ulat si LCDR Laurence Tamayo, Station Commander ng PCG. Ayon sa kanya, walang katotohanan ang napabalitang pagmimina ng black sand ng isang Vietnamese vessel na nakita sa baybayin ng Sta Cruz. Kanila umanong binisita ito upang makapanayam ang kapitan at makapagsagawa ng inspeksyon. Batay sa impormasyong nakalap ng PCG, kinailangan lamang ng Vietnamese vessel na pansamantalang dumaong sa baybayin na sakop ng lalawigan dahil sa sama ng panahon. Idinagdag pa ni Tamayo na ayon sa tanggapan ng Environment and Natural Resources (ENRO), walang black sand sa lalawigan.

Nagbigay naman ng updates si Doctor Michael Enarbia ng DOH Mimaropa hinggil sa pagkalat ng Venereal Syphilis sa mga katutubong Mangyan sa bayan ng Calintaan. Ayon sa kanya, nakapagsagawa na ang kanilang tanggapan ng koordinasyon sa Municipal Health office (MHO) ng Calintaan upang makapagbigay ng kaukulang gamot sa mga katutubong apektado ng nasabing sakit. Patuloy din ang isinasagawang pananaliksik ng dalawang tanggapan – DOH at Municipal Health Office- upang alamin kung paano nahawa ang ibang katutubo at saan nagsimula ang sakit na ito. Ayon pa kay Enarbia, magsasagawa ng pagbisita ang isang medical team mula DOH Mimaropa sa naturang bayan.

Bahagi naman ng ulat ng Philippine Army ay ilang rekomendasyon mula kay LTC Rodolfo Gesim, Battalion Commander ng 41st Infantry Battalion. Ayon sa kanya, kinakailangang makapagsagawa ng Youth Leadership Seminar para sa mga out-of-school youth. Ang ganitong programa ay makapagbibigay ng direksyon at kaalaman sa mga kabataan upang di sila mahikayat na sumali sa New People’s Army (NPA). Hiniling din ni Gesim ang pagbibigay importansya sa ‘farm to market roads’ upang maging madali sa mga katutubo at mga naninirahan sa liblib na lugar, na mabilis na maibaba ang kanilang mga produkto. Ang mga pagkakataong nakakarating sila sa sibilisasyon ay isang pamamaraan upang maiparating sa kanila ang mga programa at batas na ipinaairal ng pamahalaan . Ayon pa sa Battalion Commander, dapat ay iwasan ng mga sibilyan na tumulong o magbigay ng anumang suporta sa NPA at tumulong, gayundin ang Local Government (LGU), sa paglilinis sa mga barangay upang maiwasan ang mga ambush sites.

Batay naman sa ulat ni Police Superintendent Edwin Gutang ng Provincial Police Office (PPO), bumaba ng halos 50 porsyente ang crime volume sa lalawigan kumpara sa unang anim na buwan noong nakaraang taon. Aniya, ito ay dahil sa mga programang ipinatutupad ng kapulisan gaya ng Lambat Sibat, Oplan Kupido, ECAS (Electronic Computerized Alarm System), Oplan katok at iba pa. Ayon pa kay Gutang, ‘generally peaceful’ ang kabuuan ng lalawigan na makabubuti sa hinahangad na kaunlaran sa ekonomiya ng Kanlurang Mindoro. (VND/ PIA 4B/ Occ Min)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s