PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 17 (PIA) — Walong overseas manpower agencies na rehistrado sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at 21 lokal na ahensiya at mga kompanya ang nakatakdang lumahok sa Job Fair 2016 na isasagawa sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo sa Hunyo 22.
Ang Job Fair na ito ay pangangasiwaan ng Provincial Public Employment Services Office (PESO) sa pakikipagtulungan ng POEA.
Inaasahang magbibigay ito ng panibagong pag-asa sa mga Palaweño na nangangailangan ng trabaho para maitaguyod ang kani-kanilang pamilya at isa rin ito sa adbokasiya ng Provincial PESO na naglalayong mabawasan ang unemployment rate sa lalawigan.
Ayon sa Armando Batul, OIC-Provincial PESO, ilan sa mga lalahok na overseas manpower agencies ay ang HMO International Human Resource at ang Starborne International Promotions & Manpower Corporation. Ang mga ahensiyang ito ay nangangailangan ng mga skilled worker na itatalaga sa mga bansa sa Gitnang Silangan, Kuwait, Sultanate of Oman at Kuala Lampur, Malaysia.
Ilan naman sa mga lokal na kompanya na naghahanap ng mga manggagawa ay ang Rio Tuba Nickel Mining Corporation, William Tan Enterprise Incorporated, New City Commercial Center (NCCC) at ilang resort at hotel sa lungsod ng Puerto Princesa at maging sa bayan ng El Nido.
Inaasahan din ang pagdating ni Director Jocelyn T. Sanchez ng POEA bilang panauhin sa opening ceremony ng Job Fair 2016. (PIO/OCJ-PIA4B Palawan)