Tagalog news: Pagsasailalim ng Puerto Princesa sa Comelec Control tinutulan ng ilang konsehal

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 4 (PIA) — Tinutulan ng anim na konsehal ng Lungsod ng Puerto Princesa ang kahilingan ng Provincial Peace and Order Council na mapasama ang lungsod sa ilang lugar sa Palawan na isasailalim sa kontrol ng Commission on Elections sa darating na halalan sa Lunes.

Sa regular na sesyon ng Sangguniang Panglungsod kahapon, naghain ng resolusyon ang anim na konsehal upang tutulan ang nasabing kahilingan.

Ayon kay Konsehal Eleutherius Edualino, isa sa may akda ng resolusyon, ang pagsasailalim ng lungsod sa kontrol ng COMELEC ay magdudulot umano ng pangamba sa mga mamamayan gayundin sa mga turistang bumibisita dito. Malaki rin umano ang magiging negatibong epekto nito sa negosyo at industriya ng turismo sa lungsod.

Ang Puerto Princesa bilang bahagi ng Ika-tatlong distritong lalawigan ng Palawan ay kasama ng mga Bayan ng Aborlan at Bataraza na hiniling ni Gov. Jose Chavez Alvarez, Chairman ng Provincial Peace and Order Council na isailalim sa Comelec control sa pamamagitan ng isang liham na ipinadala kay Comelec Chairman Juan Andres Bautista noong Abril 21.

Hiniling ito ng gobernador dahil sa mga insidente ng pamamamaril sa Bataraza na ikinamatay ng anim na indibidwal nito lamang buwan ng Abril.

Bukod dito, mayroon ding intelligence report ang Philippine National Police at Western Command tungkol sa presensya ng mga armadong grupo na maaaring magdulot ng karahasan sa araw ng eleksiyon.

Noong nakaraang mga linggo, nagdulot naman ng tensiyon ang naiulat na pagtatayo ng kampo ng Moro National Liberation Front o MNLF sa Sitio Sawmill, Bgy. Inagawan Sub ng lungsod na ito. Sa pagtutulungan ng PNP at AFP, agarang nabuwag ang naturang kampo ng MNLF.

Ang naturang resolusyon na tumututol sa pagsasailalim sa Comelec Control ng Puerto Princesa City ay pinag-aaralan na sa Committee of the Whole. Inaasahang matatalakay ito sa lalong madaling panahon bago dumating ang Mayo a-nueve.

Mayroong kabuuhang 127,664 registered voters sa Lungsod ng Puerto Princesa. (OCJ/PIA4B-Palawan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s