Tagalog news: DOH Mimaropa hinikayat ang mga magulang na ipapurga ang mga anak

ODIONGAN, Romblon, Enero 20 (PIA) — Hinihikayat ng Department of Health (DOH)-IVB (Mimaropa) ang mga magulang na pahintulutan ang kanilang mga anak na mabigyan ng libreng pampurga upang makontrol at maiwasan ang pagkakaroon ng ‘intestinal parasitic worm infections.’

Sinabi ni Dr. Eduardo C. Janairo, Regional Director ng DOH 4B, ang panawagan na ito ay kaugnay ng isasagawang pangalawang National Deworming Day na gaganapin sa ika-27 ng Enero at community deworming program na isinasagawa sa buwang ito.

Ayon kay Janairo hindi dapat matakot ang mga magulang na ipapurga ang kanilang mga anak sapagkat ang libreng gamot kontra-bulate na ipinamamahagi ng DOH ay ligtas.

Noong 2015, ang Mimaropa ay nakapagtala ng 422,543 na mga batang napainom ng gamot kontra bulate o 88 porsiyento ng 480,278 na target ng nasabing ahensiya.

Ngayong taon anila ay layuning puksain ng DOH ang tatlong neglected tropical diseases na soil-transmitted helminthiasis, filariasis, at schistosomiasis na kadalasang nabibiktima ay mga bata.

Target ng DOH 4B na mabigyan ng gamot pampurga ang mga mag-aaral na may edad lima hanggang 12 taong gulang at nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

“Mahalagang mapurga ang bata dahil maaari pa ring maging erratic ang mga bulate at lumabas sa iba’t ibang parte ng katawan kung hindi sila mapurga at talagang marami na ang worm load ng nito sa kanyang mga bituka,” ani Janairo.

Pinapayuhan din ni Janairo ang mga magulang na bigyan ang kanilang mga anak ng parental consent para tumanggap ng gamot pampurga sapagkat ito ang pangunahing hihingin ng Department of Education (DepEd) bago nila ipamahagi sa mga bata ang mga gamot.

Sinabi naman ni Dra. Ruth Cervo, hepe ng DOH Romblon, na ang mga karaniwang naranasang side-effects na gaya ng pagkahilo at nerbiyos ay dulot ng hindi pagkain ng mga bata bago uminom ng gamot kontra bulate.

Aniya mahalagang kumain muna ang mga bata dalawang oras bago uminom ng gamot pampurga na tinatawag na albendazole o mebendazole.

Hinihimok din nito ang mga magulang na may anak na edad isa hanggang apat na taong gulang na dalhin ang mga ito sa Rural Health Units para mabigyan ng gamot pampurga na nasa ilalim naman ng community deworming program ng DOH na tatagal hanggang sa ika-31 ng buwan ng Enero.

Wala umanong dapat ikabahala ang mga magulang sa bayarin sa gamot pampurga sapagkat ito ay ipamamahagi ng walang bayad. (DM/PIA-IVB/Romblon)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s