Monthly Archives: April 2013

Pagtatasa ng nutrition programs sa Palawan, pinangunahan ng NNC

By Orlan C. Jabagat

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abril 29 (PIA) — Nagsagawa ang Regional Evaluation Team sa pangunguna ng National Nutrition Council (NNC) ng evaluation ng mga programang pangnutrisyon sa lalawigan ng Palawan

Ayon kay Provincial Nutrition Action Officer Rachel Paladan, ang isinagawang evaluation ng naturang grupo ay naganap noong Abril 22-26.

Kabilang sa regional team ang mga representante mula sa Department of Health, Department of Interior and Local Government, Department of Agriculture, Philippine Information Agency at iba pang ahensiyang nasyunal na may direktang kinalaman sa pagpapatupad ng programang pangnutrisyon.

Kasama sa isinagawang pagtatasa ng Regional Evaluation Team ang mga nominado ng Palawan sa Green Banner Award sa lebel ng rehiyon. Nakatakdang magtungo ang grupo sa mga bayan ng Taytay o El Nido sa norte at Aborlan, Brooke’s Point o Sofronio Espanola para naman sa sur.

Kaalinsabay nito ang Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation o MELLPI na regular na isinasagawa ng NNC upang masiguro na naipapatupad ng maayos at napapanahon ang mga programang pangnutrisyon sa mga kanayunan.

Ani Paladan, mayroong checklist na sinusunod ang NNC sa kanilang isinasagawang monitoring para sa walong impact programs ng pamahalaang nasyunal kaugnay ng mga interbensiyon para sa nutrisyon. Ito ay ang Home, school & community food production; Micronutritient supplementation; Food fortification; Nutrition education; Food assistance; Nutrition in essential, maternal & child services; Livelihood assistance; at Enabling mechanisms tulad ng capacity building, Information Education and Communication Campaign, over-all planning at iba pa.

Nakatakda ring i-validate ng grupo ang resulta ng nakaraang Operation Timbang sa Palawan at ang mga action plan ng mga munisipyo upang malaman kung naipatupad ito ng maayos ng mga lokal na namamahala ng mga programa. (LBR/PIO/OCJ-PIA4B Palawan)

Advertisements

Pinalakas ng DSWD ang kampanyang ‘Bawal ang Epal’ sa mga miyembro ng 4Ps

Bawal ang “Epal” sa 4Ps

 

By Mayda Lagran

BOAC, Marinduque, April 29 (PIA) — Pinalakas ng DSWD ang kampanya “BAWAL ANG EPAL DITO” sa pamamagitan ng pagpapakalat ng impormasyon sa programang PIA-MIMAROPA HOUR sa Radyo Natin-Boac, hinggil sa mga pulitiko na pumapapel sa mga 4Ps members.

Ipinaliwanag ni Grace Manay, DSWD-Marinduque Grievance Officer ang mga panuntunan ng kampanya lalo’t higit para sa mga benepisyaryo ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Sinabi niya na bilang miyembro ng 4Ps dapat alamin ang mga karapatan at sundin ang mga alituntunin at kondisyon ng programa.

Ang benepisyong pang-edukasyon at pang-kalusugan ang pinakaimportante sa mga miyembro at karapatan nila itong matanggap. Makakamit ang mga ito kung susunod sa alituntunin kagaya ng pakikipagtulungan sa mga guro at health workers na mapapatunayang Compliance Verification System (CVS).

Regular dapat ang pagpapacheck-up ng mga bata pati na ang ina lalo’t higit ang mga buntis sa health centers upang bantayan ang kalusugan ng mga myembro para makaiwas sa malnutrisyon at pagkakasakit. Ang mga mag-aaral naman ay dapat may 85% attendance sa kanilang eskwelahan. Ito ay para masubaybayan kung totoong nag-aaral ang mga bata, dagdag pa ni Manay.

Ang hindi pagtupad sa mga alituntunin ng programa ang makapag-aalis sa sinuman sa listahan ng 4Ps.

Ipinayo sa mga miyembro na huwag padadala sa mga pananakot, pagdidikta o maling impormasyon na maaring matanggal ang miyembro ng 4Ps kung hindi iboboto ang sinumang kandidato.

Kung may mga taong nasa posisyon sa gobyerno o kandidato ngayong darating na 2013 eleksiyon, na magbabanta o mananakot, ipagbigay alam at magsumbong sa DSWD. Maaaring i-email ang reklamo sa 4psreklamo@gmail.com o di kaya’y mag-text sa 0918-912-2813 at isulat lang ang pangalan,lugar at reklamo pahayag pa niM Manay. (CNS/ML/PIA 4B)

Child Protection Policy Orientation ng DepEd, isinagawa

By Voltaire Dequina

SAN JOSE, Occidental Mindoro, April 29 (PIA) — Magkatuwang na isinagawa ng Department of Education (Dep Ed) at Plan International (PLAN) ang Child Protection Policy orientation ng 130 guro mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan kamakailan sa Sikatuna Beach Hotel, San Jose.

Ayon kay Marilyn Eugenio, Education Program supervisor ng DepEd, tinipon ang mga bagong guro mula sa elementary at high school upang dagdagan ang kanilang kaalaman hinggil sa Child Protection Policy ng Dep Ed. Sa patakaran at alituntuning ito ng kagawaran, nakasaad ang pagbibigay proteksyon sa mga bata laban sa anumang uri ng pang aabuso, diskriminasyon, pananamantala, karahasan at pananakot.

Dagdag pa ni Eugenio, ang mga guro ang dapat manguna upang mapigilan ang anumang uri ng paglabag sa karapatan ng mga bata.

Binigyang diin ni Dr Nerissa Losaria, OIC Assistant School Division Superintendent of the Division of City Schools Mandaluyong, ang DepEd Order #40 series of 2012 ukol sa bullying o pananakot. Aniya, malaki ang posibilidad na manggaling ang pananakot sa kapwa mag aaral o mas nakatatandang estudyante na kabilang sa kaparehong paaralan.

Ayon kay Losaria, sa sandaling hindi napigilan ang bullying o pananakot, maaaring isangguni ng guro ang kaso sa Child Protection Committee na pinangungunahan ng punong guro katuwang ang guidance counselor, Parents and Teachers Association (PTA) at mga guro.

“Dapat na maipaabot ng mga guro sa mga magulang na kung nangyayari ang alinmang paglabag na ito sa kanilang anak ay nararapat lamang na ipagbigay –alam ito sa lalong madaling panahon,” dagdag pa ni Losaria. (VND/PIA 4B Occ Min)

DTI conducts training for competitiveness in Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon, April 25 (PIA) — The Department of Trade and Industry (DTI) has trained 63 participants from various sectors on the pro-active programs for competitiveness in Haliwood Hotel, Odiongan, Romblon.

The Center for Industrial Competitiveness (CIC) of the DTI aims to enhance the industrial competitiveness or the ability of both public and private sector organizations to offer products and services that meet the quality standards of the local and international markets to become globally competitive.

This training discussed how the participants can learn to apply positive work values, which can help boost company productivity and competitiveness. It also trained the participants to have better understanding of work-related concerns and learn to solve problems through open communication.

The participants expressed positive comments and reactions during the closing rites, particularly the resource persons, Ms. Ella C. Lachica, Acting Division Chief and Ms. Carol R. Velasco, Trade and Industry Development Specialist of Training and Development Division, DTI-CIC.

Ms. Velasco discussed the topics Pro-Active Programs for Competitiveness, 5S (Good Housekeeping Practices) and Service Excellence (LBR/MAF/PIA4B-Romblon)

PNRC reimburses four members in Marinduque treated for dogbites

By Mayda Lagran

BOAC, Marinduque April 25 (PIA) — The Philippine National Red Cross (PNRC)-Marinduque recently released checks amounting to P21,000 to three students and a councilor from Bgy. Balancan, Mogpog.

These checks were given as medical reimbursement for the expenses they incurred from treatment of dog bites which is prevalent this summer. A Department of Health advisory said dogs are prone to rabies and irritation because of too much heat.

The patients are “classic members” of the PNRC. PNRC Director Jomel Mirano said there are five types of PNRC Membership which an individual can choose from: Classic for P35, Premiere Bronze for P100, Premium Silver for P300, Premium Gold for P500 and Premium Platinum for P1,000.

The Classic Membership he said, is for those aged six to 25 years old and shall cover P5,000 for accidental/mecial reimbursement and a daily hospital allowance of P150/day for a maximum of 60 days in a year. The membership also offers a P12,000 disablement, dismemberment or accidental death benefit and a P5,000-burial benefit or unprovoked murder or assault benefit of P12,000.

Other Types of Membership asks for higher premiums and covers from six to 65 years old. These also provide more benefits to the members.

The primary concern of the project is to share a minimum amount to the Red Cross beneficiaries but at the same time also protect their own selves from unfortunate circumstances, Mirano stated. (LBR/MNL/PIA4B/Marinduque)

Barangay Silonay, benepisyaryo ng programang pangkabuhayan

By Luis T. Cueto

Walang hindi makakaya kung sama-sama. Ito ngayon ang bukam-bibig ng mga taga-Barangay Silonay na benepisyaryo ng iba’t ibang programang pangkabuhayan na kaloob ng pinagsamang pwersa ng Strategic Intervention Community-focused Action Towards Development (SICAD), Conservation International (CI) at Provincial Tourism Investment and Enterprise Development Office (PTIEDO).

Ito rin ang malimit maging laman ng mga pahayag ni Gob. Alfonso V. Umali Jr. sa tuwing binibigyan niya ng pag-asa ang mga mahihirap na mamamayan na makaahon at makaangat mula sa kasalukuyan nilang kalagayan sa buhay.

Dahil dito, muli na namang nakipagtuwang ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng SICAD at PTIEDO sa pribadong grupo ng CI upang tugunan ang mga pangangailangang pangkabuhayan ng mga mahihirap na mamamayan.

Noong ika-9 ng Abril ay nilagdaan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng SICAD na kinatawan ni Lyn Alcañises, Conservation International sa katauhan ni Asia Pacific Senior Vice President David Enmett, Samahan ng mga Nagkakaisang Pamayanan ng Silonay (SNPS) na pinangunahan ni Kapitan Benecio Vergara, Calapan City Assistant City Agriculturist Virgil Cantos at Silonay SK President Jimmy Evangelista. Kasama rin ni Enmet sina CI Development Writers Kristine Pukop at Lyn Tang.

Sa MOA, nakasaad ang commitment ng ahensya at samahan ng mga lumagda hinggil sa pag-aangkop ng mga ito sa epekto ng pagbabago ng panahon, ang pagtatanim ng 140,000 puno ng bakawan sa 25 ektarya ng barangay Silonay at ang maprotektahan ang pamayanan ng Silonay mula sa mga kalamidad. Nakasaad din dito ang mga pangkabuhayang gawain na ipinagkakaloob sa pamayanan ng Silonay kung saan magiging benepisyaryo rito ang grupo ng mga kababaihan, Bantay Dagat, 4Ps, Sangguniang Kabataan ng barangay, pamilya ng mga magsasaka at mangingisda at ang SNPS.

Kabilang naman sa mga gawaing pangkabuhayan na kinakailangang pagyamanin ng mga benepisyaryo ay ang pagtatanim ng puno ng bakawan kung saan nagkakahalaga ng P0.50 kada puno ang ibabayad sa mga residente ritong magtatanim.

Samantala, nakakapangolekta na rin ang nasabing barangay ng entrance fee para sa kayaking na ayon sa mga residente rito ay nakabili na sila ng isang bangka mula sa kanilang kinita na dinagdagan naman ng CI ng dalawa pang bangka.

May mga gawang produkto na rin ang pamayanan ng Silonay na ibinibenta na ngayon sa mga turista tulad ng t-shirt at iba pang souvenir items. Ang mga kababaihan ay nakapagre-repak na rin ng chips mula sa saging at gabi at ang mga ito ay naibebenta na nila.

Naging bahagi rin ng gawain ang aktuwal na pagbabangka ng mga taga CI at kanilang mga kasama. Ipinakita rito ang bangkang nabili na ng pamayanan mula sa kinita ng mga ito sa mga turistang dumayo at nag-kayaking na dito. Ang bangkang ito ay nadagdagan pa ng dalawa mula naman sa mahigit isang milyong pisong pondo mula sa CI. Nakasama rin sila sa maramihang pagtatanim ng bakawan na bahagi ng 140,000 puno na nakatakdang itanim sa may 25 ektaryang aplaya ng nasabing barangay.

Naniniwala ang CI sa pamumuno ni Enmett na magiging daan ang mga proyekto rito partikular ang nakatakdang ilagay na board walk sa may bakawan upang masmaraming turista ang dumayo rito upang maghatid ng pagkakakitaan sa mga taga-Silonay.

Ang Barangay Silonay ay isa sa dalawa lamang na barangay sa buong Pilipinas na napili ng CI bilang pilot barangays sa bansa samantalang sa buong mundo, ang Pilipinas ay isa sa tatlong bansa lamang na napiling maging benepisyaryo ng mga naturang proyekto. Ang dalawang pang napili ay ang mga bansa ng Brazil at South Africa. (LBR/CPRSD/ltc/PIA4B Calapan City)

3rd Indigenous People’s Visual Art Exhibition, matutunghayan sa Kapitolyo ng Palawan

By Orlan C. Jabagat

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abril 25 (PIA) — Matutunghayan sa bulwagan ng gusaling lehislatura sa Palawan Provinvial Capitol Compound hanggang sa Abril 26, ang 3rd Indigenoue People’s Visual Arts Exhibition.

Ang nasabing eksibit ay proyekto ng Kalinawa Art Foundation sa pakikipagtulungan ng Collective Artists for the Environmenet (CAFÉ) at ng Provincial Culture and Arts Division.

Layunin ng Kalinawa Art Foundation na maitaguyod, mapayaman at matangkilik ang katutubong sining. Para sa Kalinawa, ang sining biswal ng katutubo ay mahalaga para sa promosyon at pag-preserba ng kultura at tradisyon ng mga katutubo na nanganganib na mawala dahil sa mabilis na pagsulong ng modernisasyon.

Mahigit 40 obrang pang-sining ang matutunghayan dito na gawa sa iba’t ibang istilo ng pagguhit gamit ang iba’t ibang “art medium.” Umaabot sa 13 alagad ng sining ang kalahok sa aktibidad na pawang mga Tagbanua, Palawan at Cuyonon mula sa bayan ng Aborlan at lungsod ng Puerto Princesa.

Makikita sa eksibit ang mga likha gawa sa mixed media, acrylic, at charcoal. Ang ibang obra ay inukit sa isang uri ng canvas na yari sa goma. Isinalarawan sa kanilang mga obra ang kultura at kabuhayan ng mga katutubo tulad ng pangingisda, pagsasaka, pangangaso at gayundin ang mga sayaw at ritwal. Mayroon ding still life ng bulaklak at paruparo. Isinalarawan naman ng isang Cuyonon ang katutubo sa makabagong panahon, ang isang ina bilang bayani. Kasama din sa mga katutubong sining ang mga banig, basket at mga gamit sa gawaing pang-agrikultura at mga palamuti sa katawan.

Ang Kalinawa Art Foundation ay itinatag noong taong 2006 at patuloy ito sa pag-organisa ng mga eksibit ng indigenous visual arts sa iba’t ibang probinsiya. Sa taong ito ay nakagpagiksibit na sila sa Laoag City, Ilocos Norte; Malaybalay City, Bukidnon, at ngayong Abril ay dito sa Palawan.

Nagpahayag ng pasasalamat si Raquel Palma Gil, executive director ng Kalinawa Art Foundation sa pamahalaang panlalawigan at sa Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Culture and Arts Office na pinamumunuan ni Charina Carmen Cabading sa pagbibigay ng lugar para pagdausan ng eksibit.

Malaki din ang tulong ng grupong Collective Artists for the Environment na pinamumunuan ni Jonathan S. Benitez na siyang gumawa ng konsepto at tumayong curator ng eksibit.

Samantala bahagi ng aktibidad ang kompetisyon ng mga kalahok na obra sa eksibit. Ang paggawad ng gantimpala ay nakatakda bago magtapos ang Abril 26. (LBR/PIO/OCJ-PIA4B Palawan)